Yes, you are not lost! This is going to be the very first Filipino entry in this blog world of mine. I was asked to speak in Filipino in celebration of my high school's 96th year founding anniversary this morning so I am here to share the entire speech.
Ang Pagbabalik
Isang Pagpupugay sa Aking Pinanggalingan
Naaalala ko pa nuong nakababata pa ako nang sabihan ako ng aking ina.
“O hindi ka na muna mag aaral anak, wala kasi tayong pera.”
"Inay, bakit naman po?"
“Wala kasi tayong perang pantustos ng matrikula, pasensiya na anak.”
Subalit hindi ako nagmukmok, nasaktan oo, dahil hindi na nga ako mag-aaral sa susunod na taon pero hindi ako sumuko.
Lumapit ako sa aking lola at sa kanya humingi ng tulong.
Salamat naman at pinaunlakan ako ni lola, at sa tulong nila ni lolo, ako ay nakapag aral muli sa St. Stephen's.
Isang karanasang nais kong ibahagi sa lahat. Gusto ko kasing mag-aral, ayokong tumambay o lumaking mangmang. Gusto ko nang maraming bagay at alam kong sa edukasyon ko makukuha ang nais ko sa darating na panahon.
Gusto ko ng piano nung ako ay bata bata pa. Gusto kong magkaroon ng mamahaling damit o kaya sapatos. Hindi kami mayaman pero dahil binigyan ko ng importansya ang mga leksyon ni Bb. Liwanag, Gng. Era, Gng. Altavano at nang aking mga naging guro dito sa paaralang ito kung kaya't ako ay yumaman sa karunungan.
Madaming magandang alaala ang pagiging mag-aaral ko sa St. Stephen. Madami akong gusto sa pagtuntong ko dito. Malawak ang kapaligiran. Madami akong naging kaibigan. Madami akong naging inspirasyon. Mababait ang aking naging guro. Higit sa lahat, dito ko nalaman ang pagiging maka- Diyos.
Siyamnapu't anim na taon na ang nakararaan at hanggang ngayon ang St. Stephen ay naririto pa rin para magbigay gabay sa mga kabataan. Ako ay naging apo na ng paaralang ito. Kayo naman ay mga apo sa tuhod or marahil apo sa talampakan.
Bakit ba tayo naririto? Naririto tayo dahil nais kong malaman ninyo na ang paaralan ay ang inyong tahanan, parang bahay niyo na rin. Kaming mga guro ay ang inyong mga magulang. Ang mga kamag-aral ninyo ay mga kapatid o mga pinsan. Sama sama tayo. May kasayahan man o wala, tayo ay magkakasama. Kapag nagkaroon ng problema ang inyong kapatid, damayan mo. Kaya naman kailangan nating magtulungan. Hindi tayo dapat maging makasarili.
Subalit ikaw, ikaw at tayong lahat ay may mga responsibilidad sa ating bahay. Kaming mga guro ay magiging mas makatarungan at pahahalagahan ang inyong kinabukasan. Kayo namang mga mag aaral,
Bigyan ninyo ng kahalagahan ang inyong pag-aaral.
Magkaroon kayo ng kumpyansa bilang mag-aaral.
Magkaroon kayo ng kumpyansa sa sarili.
Dahil sa oportunidad na ibinibigay sa inyo, kayo ay magiging aktibong kalahok sa sarili ninyong edukasyon. Yan ang aming maibabahagi sa inyo bilang mga guro,at bilang magulang ninyo sa bahay na ito.
Mayroong mga pangit sa ating tahanan. Ano ba ang mga bagay na hindi ninyo gusto sa isang paaralan?
Marahil, hindi ninyo gusto ang
tumayo tuwing umaga para sa pambansang awit at panatang makabayan
“ mainit, ang tagal na nakatayo, dah,dah,dah,dah..."
uniporme
“hindi ko gusto ang kulay, ang baduy, ang haba naman, ang init, ang kati sa katawan.”
mga araling bahay
“ hindi ko maintindihan, hindi ako makapanood ng kartoon, nakakatamad”
mga mapang uyam na guro
“ ayaw ko nang pumasok, lagi akong pinahihiya ni ser o ni maam”
“ ano ka ba naman Juan, hindi mo alam ang Pythagorean Theorem?”
mga kaibigang naging kaaway
“ayan na naman si Juan, magtatago muna ako sa banyo”
Huwag na nating tignan ang mga pangit na bagay, mas bigyang halaga natin ang mga magaganda tungkol sa paaralan. Ano ba ang mga ito? Maaaring ang...
mga kaibigan
“ tara, sabay na tayong kumain sa kantina, pakopya naman ng homework”
mga mababait na guro
“ love ko si maam, galing magturo; nakakatawa si sir, laging masaya sa klase”
mga magagawa sa palaruan
“ luksong lubid tayo, kuwentuhan tayo mamaya”
mga perang pabaon ni ama o ina
“ ma, paki-dagdagan naman, tumaas na po ang siopao sa Ha Yuan”
“ ketchup na nga lang ulam ko sa araw araw para makabili ako ng iTouch”
makita mo si 'crush'
“ ayan na siya, hello!, ganda ganda mo naman ngayon.”
“ shy naman ako, ikaw na lang magbigay”
mga bagay na importanteng matutunan
“ magaling ako sa Chemistry, siyensiya ang kukunin ko sa kolehiyo.”
“ gustong gusto kong gumuhit, arkitektura ang aaralin ko.”
“ magnenegosyo ako, magaling yata ako sa Math!”
Ang St. Stephen ay hindi isang gusali, ito ay isang pamayanan. Naglalayon ang paaralang ito na gamitin ang kanyang kakayahan upang mapabuti ang mga batang pumapasok sa kanyang tahanan. Isang bahay ng karunungan, ng kagalakan, ng pag-asa at ng pagtitiwala sa Diyos at mga taong nakapaligid sa inyong lahat.
Kaya mga kabataan, tandaan po lamang ang aking mga sasabihin:
Mahalin ninyo ang inyong mga magulang
Mag-aral kayong mabuti
Gawin ninyo ang inyong mga gawaing bahay
Maging matiyaga
Ipagmalaki ninyo ang inyong pinanggalingan
Mahalin ninyo ang inyong mga guro
At isiping ang paaralang St. Stephen ay nagpupugay sa inyong kakayahan bilang mabubuting mag- aaral.
Hindi ako umalis ng ating tahanan, dahil ako'y nagbalik upang magbigay karangalan at pananampalataya sa kanyang kakayahan.
Mabuhay ang St. Stephen's!